Sunday, October 2, 2011

ganyan din kami noon

"Nganong dili pa man ka mohawa sa USM nak," tanong ng aking ama. Pilit kong iniiwasan ang tanong na yaon. Hindi ako umimik. "Sa akong paminsar dili maayo ang imong kahimtang didto. Uy tuod diay giimbita ka sa imong mga classmate sa high school. Sunduon ka nila unya diri sa balay. Nindot kaayo tong Pajero sa classmate nimo ba!"

Usapang mag-ama. Ganito ang aming malimit na pinag-uusapan. Mga pangarap niya para sa amin. Kumustahan sa mga apo. Ano ang dapat gawin sa mga bata. Mga possibleng negosyo. Libre nga daw mangarap.

Pilit kong binura ang mga tanong na yaon. Ngunit di ko maaalis sa aking isipan. Napailing ako at napatanaw sa bintana ng van. Papauwi na ako sa Kabacan sa van na masikip. Sa palibot ng halakhakan ng kapwa pasahero. Sa nagaurok na ale sa tabi ko. Napabuntong hininga ako. Kaganda ngang sakyan ang Pajero ng classmate ko. At marami na rin silang may mga sasakyan. "Special" guest nila ako. Of course ako kaya ang valedictorian namin. At siguro pasalamat na rin sa mga kopyahan noon.

Pero di ko pa rin naiaalis ang magmuni-muni sa aking kalagayan. Bakit nga ba ako nagtitiis sa USM? Marami na ring pagsubok ang dumaan sa akin sa USM. Noong una akong nagturo sa USM, kailangan kong pumasok pitong araw sa isang linggo para maabot ko ang pitong libo na sahod sa isang buwan sa panahong sampung libo na ang pinakababang Instructor I. Pero di naman ganoon kamalas, di nagtagal at nakakuha na rin ako ng item makalipas ang dalawang taon. Masuwerte daw ako.

Masuwerte ulit at natanggap ako sa isang scholarship papuntang Estados Unidos. Malas dahil maiiwan ko ang aking panganay at buntis na asawa sa loob ng dalawang taon. Habang nasa Amerika ako, nagpapakadalubhasa ako at nangangarap na maiangat ang aking estado sa USM pagbalik ko. Ngunit minalas ulit. Aking napag-alaman na na-promote yung naiwan na hindi nakapag-aral. At ako na nag-aral ay di muna napagbigyan kasi "nakalabas ka na naman eh, swerte mo na nga". Habang ang dati kong mga estudyante na nagtuturo na ngayon ay mas mataas na ang rangko kesa sa akin, ako ay nakapako pa rin sa Instructor. "Magtiis ka lang, darating din yan sa'yo, ganyan din kami noon". Lalong   namumutawi ang mga tanong ng aking ama sa aking isipan. Nagdadalawang isip na.. Huwag na lang kaya? sabi nga sa kanta.  

Heto ako ngayon nag-aaral ulit ng aking doctoral. Meron ng pag-aangat ng rangko (Instuctor 3). Pero aaminin ko natanong ko na rin noon kung ano ang halaga ko sa USM. Bakit hindi nasusuklian ang mga pagpupursige ko. Aaminin ko malaki ang naging epekto sa aking pagkatao na unti-unting humahablot sa hibla ng aking pagiging guro. Ang taas ng standard ng USM! Di pala sapat na board topnotcher ka at honor graduate. Sa mga pagkakataong yaon, naaninag ko ang luntiang parang sa ibayo. Bakit pa kailangang magpursige, kung parehas man lang pala?  Ipagpaumanhin ninyo po kung nagbubuhat po ako ng bangko. Sa totoo lang hindi na mahalaga ang mga parangal na yan. Tanggap ko na ang aking kinasasadlakan at aasa na lang sa biyayang akma para sa akin. Ngunit bakit nga ba hindi pa ako aalis sa USM?

Iba kasi ang pakiramdam kung makikita mong nakangiti ang mga estudyante mo dahil may nakuha silang sagot sa mga aralin. Iba kasi ang pakiramdam kapag nababasa mo ang mga pangalan ng mga dati mong estudyante na nasa dyaryo na at nakapasa sa eksamen. Iba ang pakiramdam kapag meron kang dating estudyante na ilibre ka ng pizza pie sa may Cubao. Iba ang pakiramdam pag meron kang estudyante na yayain kang magpakasal este ninong sa kasal. Iba ang pakiramdam pag nakita mo sa FB ang mga dating estudyante nakapaskil ang hitsura ng mga paslit nila sa profile pic. Masaya na akong makikita ang mga batang naglalaro sa luntiang parang na kumakaway at nagpapasalamat.  Nakakawalang pagod.

Ang samo ko na lang na darating ang panahon na masabi ko sa mga nakakabata kong guro na "Hindi na mangyayari sa inyo ang nangyari sa akin noon". At sana darating din ang panahon na masagot ko na ang aking ama na, "Masaya po ako".

Hangga't mayroon pang hibla ng pagiging guro sa aking katauhan di ako hihintong magturo.

(Kung makarelate ka nito, i-share mo!)

6 comments:

  1. Thank You sir...mataas tingin at respeto namin sa inyo sir even before:') pang world teachers' day man ni oi,,hehe

    ReplyDelete
  2. Salamat bert. Bagama't yan ay personal na kwento, Nais ko ring ipabatid sa mga mag-aaral na meron ding mga hinaing ang mga kapwa ko guro at kami ay nangangailangan din ng unawa paminsan-minsan. Kung tutuusin masuwerte na ako kumpara sa iba. Maaari mong ibahagi ang artikulong ito sa mga gurong kilala mo.

    ReplyDelete
  3. Maraming salamat Sir.. Ikaw po ay tunay na inspirasyon bilang isang guro.. At pursige para sa ating institusyon...

    ReplyDelete
  4. Maramaing salamat sa kwentong ito.. sa panahong kapapasok ko palang sa USM, ang perception ko bilang isang tagapagturo ay matatapos ka bilang tagapagturo habang buhay.. Pero in contrast ang pagtuturo pala ay isang noble na prefession.. In community, ikaw ay isa sa mga respetatdo, may mailalahad na wisdom, sandigan ng mga desesyon, kinukonsulta, mayuportonidad na madagdagan ang kaalaman, pag patuloy sa advance degree program at may kaakibat na promotion at pag angat ng sweldo.

    ReplyDelete
  5. Ganito rin ako noon, 16 years akong napako sa assistant professor 5, nakakatampo, pero sinarili ko na lang ang sama ng loob, mga kasabayan ko matagal nang tumuntong sa associate professor 5. Nagsumikap ako, nakita ng bagong HR ang aking mga accomplishments, ang consistent outstanding students evaluation ko noon, sinabayan pa ng pananaliksik, nabigyan ng pagkakataon na magprofessorial lecture, pumasa. Alhamdullilah!

    ReplyDelete
  6. Maraming salamat! Naalala ko rin ung karanasan ko bilang Instructor I ng halos 10 years. Pero sinikap ko po na magtrabaho ng maayos para sa pamilya. Ang nasa isip ko noon, galingan ko nalang kung ano ang binigay na responsibilities para maka output ng maayos at hindi makasira ng iba kasama kahit Instructor I lang po.

    ReplyDelete